BigMacBlogger

Turon o BananaCue?

Pebrero 1, 2008 · Mag-iwan ng Puna

Kaninang hapon, sa gitna ng walang katapusang trabaho ay nakaramdam ako ng gutom.

“Sinong gustong bumili ng merienda?” tanong ko.

Tahimik ang lahat, busy. Naisip ko na baka ang lahat ay nagmamadali para matapos na ang lahat ng ginagawa ng maka-uwi ng maaga. Tumayo ako para kumuha ng tubig at magpasyang bumili na lang ng makakain.

“Uy, saan ka pupunta? Bibili ka ba ng pagkain? Pabili naman!” paki-usap ni Lady Chinchansu (di tunay na pangalan).

“Ako rin, gutom na ako!” sigaw naman ni Inday Galema (di rin tunay na pangalan).

At nagsimula na silang mag-ingay na para kang nasa hawla at sa ilang sandali ay ihahagis mo na ang mga patuka sa isang grupo ng pabo.

“Ako na bahala. Bili na lang ako ng kung anong meron sa labas.” Malungkot kong bulalas. Ako na naman kasi ang taya.

Tamang-tama naman na kaluluto lang ng isang batch ng Turon at BananaCue ni Aling Tindera (imbentong pangalan). Pinakyaw ko na kaagad kahit na nagngingitngit na ang mga manang na kasunod ko sa pila. Sorry! Naunahan ko na kayo. Pabalik na ako sa opisina at iniimagine ko na ang mainit at masarap na turon. Yung luto kasi ni Aling Tindera di masyadong mamantika at tama lang sa tamis. Di rin matigas ang saging, di katulad nung sa katabi niyang tindahan, parang tsinelas na ang kunat ng laman ng turon niya, wala pang langka.

Katulad ng inaasahan, dinagsa ang dala ko. Syempe ako ang sumalo ng lahat ng paso sa paghawak ng mainit na supot. Paulit-ulit kong sinambit na tirhan ako ng turon ngunit mukhang mas matindi ang pangangailangan ng mga mistulang bingi ko nang mga kasama.

Nang magsikuhanan na silang lahat, tanging BananaCue lamang ang natira sa akin. BananaCue, na bawas pa ng isang saging. Talaga naman. Nagmukmok na lang ako sa tabi habang sarap na sarap sila sa pagkain ng minimithi kong turon. Pagsapit ng alas-sais, natapos na sila sa trabaho. Sabay-sabay na umuwi, at ako lang ang naiwan, bumili ng merienda, nadaya sa pagkain, nahuli pa sa trabaho. Ang saya talaga.

Mga Kategoriya: McHassle · McLamon · McWaldas
Minarkahan: , , , ,

Walang tugon sa ngayon ↓

  • Wala pang puna...Simulan at punan ang pormularyo sa ibaba.

Mag-iwan ng Puna