Bilang isang bata na pinalaki ng pamilya na nabibilang sa pangkaraniwang antas ng ating lipunan, nasanay ako sa pagkain ng burger-fries-softdrinks combo o value meal kung tawagin. Madalas ito sa tuwing matapos ang Lingguhang pagsimba o kaya naman tuwing nasa shopping malls o amusement parks/centers. Kakaiba talaga ang hatak nito kaya naman isa pa rin ito sa pinakapatok na pagkain ng sambayanan hanggang ngayon.
Ang kainaman, kahit saan ka mapadpad ay siguradong meron nito. Mula sa malapit na kanto, sa probinsya, malls, highway, eskwelahan, ospital, kahit sa mga sosyal na kainan at pati na rin sa mga hotels, may siguradong mabibilhan o maoorderan ka.
Magpapaka-bihasang analyst ako kunwari at ililista ang mga burgers na natikman ko na sa hinaba-haba ng buhay ko:
Jollibee
Hindi ko gusto ang patty nila, sobrang lambot at pino kaya wala na akong manguya kundi ang tinapay. Parang de-lusaw ang patty at sa totoo lang, nanghihinayang ako sa pagkain nito kahit P29 lang ang Regular Yum. May balita pa nga na cultured uod daw ang pangunahing sangkap nito, pero ok lang kasi cultured naman (wahahaha). Wala ring dating sa akin ang “Spice! Spice! Burger!” (o pustahan tayo kinanta mo yun… hahaha!!!)
McDonald’s
Medyo mas okay ito sa Jollibee dahil may mga maliliit na butil ng karne kang mangunguya kahit papaano. Kaso bitin din, kahit American brand sila, kahit yung BigMac.
Tropical Hut
Ito ang fastfood na hindi na talaga sumikat ng husto simula ng mauso ang iba pang fast food outlets. Pero sa totoo lang, masarap ang burgers nila. Malasa tsaka malaki, kaya mabubusog ka. Hindi rin sila masyadong matipid sa sangkap.
Wendy’s
Eto na, sumasarap na ng sumasarap. Pwera sa plain hamburger o yung tinatawag nila na Super Value (na hindi naman) burger, masarap naman ang mga burger varieties nila. Paborito ko dito yung Bacon Cheeseburger at Spicy Chicken Breast Fillet Sandwich nila na kahit kalahating araw na akong di kumakain ay solb na solb agad ako sa ilang kagat palang nito.
Wham! Burgers
Isa na ito sa mga ideal burgers na nakain ko. Malaki, juicy at karneng-karne ang patty, perfectly-grilled at kumpleto ang laman. Ito na yung burger na akala mo sa US mo lang makakain. Sayang at konti na lang ang branches nila.
Burger King
Ito ang sayang. Dry ang burgers nila. Lalo na yung Chicken at Fish varieties.
Carl’s Jr
Isa pa ito. Meron pa ba nito?
Burger Machine
May nakapagsabi na parang piyaya na lang daw ang burgers ng Burger Machine. Tsk! Tsk! naman kung ganun. Pare-pareho na lang sila ng Minute-Burger at ng kung ano-ano pang burger stands na naglipana sa bansa. Nakwento nga ni Vangelina Sotto (di tunay na pangalan), isa sa mga guro ko noon, na nung minsang napabili siya ng burger sa isa sa mga naglalako sa bus, akala niya’y nakatipid siya. Biro mo P10 lang dalawang burger na! Aba naman, pagkagat ni Vangelina, akalain mong ketchup lang pala ang palaman. Talaga naman!
Hungry Hippo
Isa ito sa mga paborito kong brand. Home-made lang ang patty pero malapit sa style ng Tropical Hut, mas malasa lang. Small-time lang din tong brand na ito kaya baka bihira lang din sa inyo ang nakarinig na nito.
Wagyu Burger
Hindi ko pa ito natitikman pero pangarap kong tunay na sana kahit isang kagat lang ay malasahan ang mahal na Japanese beef burger na ito.
Meron pa ba akong nakalimutan? Share mo naman…

2 sumagot sa ngayon ↓
brokenman // Enero 29, 2008 Sa 5:11 umaga
favorite ko big mac
bigmacblogger // Enero 30, 2008 Sa 12:16 umaga
hehehe. thanks for visiting!